Saturday, August 23, 2008

Marunong din kaming mag-pose: Pause, Post, poste!



Ika-13th Anibersaryo ng KARAPATAN






Agosto 20, 2008 nang ipagdiwang ng KARAPATAN (Alyansa para sa Karapatang Pantao) ang kanilang ika-13th anibersaryo sa CM Recto Hall sa U.P. Diliman. Dinaluhan ang nasabing programa ng iba't ibang organisasyon, mga estudyante, guro at kawani na patuloy na sumusuporta sa KARAPATAN at sa mga pamilya ng pulitikal na pamamaslang at sapilitang pagkawala. Naroon din si Senator Jamby Madrigal na nagbigay ng kanyang mensahe ng pakikiisa sa layunin at adhikain ng alyansa sa pagsusulong ng karapatang pantao.

Gabi ng Pakikiramay para sa mga Magsasaka






Narito ang ilan sa mga larawan ng gabi ng kultural na pagtatanghal ng iba't ibang sektor at organisasyon para sa tunay na repormang pang-agraryo para sa mga magsasaka ng limang hasyenda (yulo,fule, ayala, reyes at zobel).

Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa!

Wednesday, July 23, 2008

dagliang pagbalik (5 dagli)

Bangungot

Dati-rati’y himbing sa pagtulog ang mga katutubong nadatnan nina Chirino sa mga pulo ng Pilipinas. Resulta ito ng mahusay na pag-aalaga ng kanilang ngipin na laging hinuhugasan pagkagising at bago at pagkatapos kumain. Hindi lang simpleng palamuti ang mga gintong ipinasak sa mga ito. Kundi, batid ng mga katutubong mahalaga ang pag-alaga sa ngipin para sa kanilang kalusugan at gayundin naman para tumagal ang kanilang buhay. Nang sabihin sa kanila ng mga prayleng dapat itapon sa bubong ang natanggal nilang ngipin para kunin at palitan ito ng daga para mapalitan ito ng mas maputi at mas matibay na ngipin, nagbago ang dati nilang gawi. Simula noon, ang mga katutubong mahimbing sa pagtulog tuwing gabi’y binabangungot sanhi ng sakit na hatid ng ngiping nabubulok.


Paninilip

Kapag naglalakbay ang mga misyoneryong kastila sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas, may mga pagkakataong sinasamahan sila ng mga katutubo. Saulado ng mga ito ang lugar na kanilang tinatahak sapagkat kaya nilang basahin ang mga bakas na makikita sa gubat para hindi maligaw. Kapag may nadaraanan silang ilog, naliligo ang mga kababaihang katutubo at pilit na itinatago ang kanilang katawan. Maingat silang hindi masilipan ng sinuman sapagkat taal sa kanilang kultura’t paniniwala ang pagiging mahiyain at maingat sa katawan. May isang misyonaryong nahumaling at nagnasa na makita ang hubad na katawan ng mga babaeng katutubo. Sinabi niyang para hindi siya maligaw sa paglalakbay sakaling siya’y maiwan, hiniling niya sa mga babae na baligtarin ang kanilang mga damit. Isang araw, tanghali na nang gumising ang misyonaryo. Dahil ayaw siyang maistorbo ng mga katutubo sa mahimbing na pagtulog, muli nilang binaligtad ang kanilang damit at iniwan na mag-isa ang misyonaryo na batid nilang makakasunod at hindi maliligaw. Laking gulat ng mga katutubo nang mawala ang misyonaryo at nabalitaan na lamang nilang namatay ito sa gutom dahil sa paikot-ikot na paglakad sa masukal na gubat.

Buhok

Tinatawag silang Kaibaan o Kibaan ng mga Ilokano. Tulad ng mga mangmangkik, hindi sila mga demonyo o kaya’y multo, pero pinaniniwalaan na hindi sila nakikita. Tuwing gabi sila lumalabas, lalo na kapag himbing na sa pagtulog ang karamihan. Binubuksan nila ang bintana ng nadaraanang mga bahay para maghanap ng makakain. Kung minsan, nagpapakita sila sa mga tao. Mahaba ang kanilang buhok at sinasabing saliwa ang mga paa kapag naglalakad. Marami ang natatakot sa kanila sapagkat kapag sila’y tumingin nanlilisik ang kanilang mga mata. Idagdag pa ang balbon na mukha habang pinaniniwalaang naninigarilyo ng tabako para makapagdagdag ng panakot. Para sa mga binyagan, marapat silang iwasan upang hindi sila magamitan ng tagiroot, isang mahiwagang damo na may kapangyarihang mang-akit. Isang tanghaling tapat, binulabog ang plasa ng isang kabayong tumatakbo na may hila-hilang duguang katawan ng isang tao. Hindi makita ang kanyang mukha na tinatakpan ng makapal at mahaba niyang buhok na pinahiran ng langis.


Tabi-tabi po!

Bari, Bari
Dika agunget pari
Ta pusukan kami
Iti pabakirda kada kami

Hindi nila gustong putulin ang mga matatayog na punongkahoy na nagbibigay sa kanila ng lilim, buhay at bahay. Napag-utusan lamang sila kung kaya’t humihingi ng paumanhin sa mga anitong naninirahan sa mga punong patutumbahin. Kailangan ng matitibay na kahoy para sa gagawing galyon at kung hindi sila sumunod, di mabilang na latigo ang lalatay sa kanilang likod.


Tulay

Ayon sa mga unang tala ng mga prayleng bumisita sa Pilipinas, sinasamba ng mga katutubo ang mga buwayang nakatira sa mga ilog na kanilang tinatawid. Laking pagtataka nila kung bakit nagtatapon ng pagkain ang mga katutubo sa mga buwaya, na para sa kanila’y paglapastangan sa diyos na kanilang ipinakikilala at ikinakalat sa ating lupain. Nang hindi na sila makatiis, ipinagbawal nila ito sa mga katutubo sapagkat ito’y isang barbariko at mala-demonyong gawi. Matapos lamang ang ilang araw, laging nakakatanggap ng masamang balita ang mga pinunong prayle na inatake at nilamon ng mga buwaya ang kanilang mga misyonaryo at kasama nitong mga katutubo sa mga ilog na dati-rati’y payapang natatawid. Nagpakagawa ng tulay ang mga kastila dahil sa takot at ang mga buwaya na dati’y maamong alaga ng mga katutubo’y lalong naging mabangis.


Sakit

Tulad ng nakasanayang gawi ng mga mananampalataya sa mga nililok na mukha ng mga diyos na may matatangos na ilong, tuwing umaga’y binibisita nila ang mga ito upang mag-alay ng bulaklak at pagkain. Laking pagtataka nila na sa kanilang pagbisita’y nagbabago ng anyo ang mukha ng rebulto. Isa itong himala, ang sabi ng pinuno ng parokya. Mabilis na kumalat ang balita at nagsidagsaan ang mga katutubong binyagan para mag-alay ng dasal, humiling na gumaling sa mga bagong anyo ng sakit na hindi na napapagaling ng mga mahiwagang dahon at bulaklak. Nagpatuloy ang sunod-sunod na dasal at pag-aalay sa milagrosong santo na nag-iiba ang hugis ng ilong at mukha. Tuwing gabi, kapag walang tao sa kapilya, dinadalaw ni Severino Marzan ang nililok niyang pigura. Hindi siya makuntento sa kanyang debuho kung kaya’t tinatapyasan niya ito sa pagnanais na maging perpekto ang mukha at ilong ng sinasambang rebulto.